Data Alerts

KABABAIHAN: APEKTADO SA APECO

Nobyembre 2011

Matindi ang epekto sa kababaihan sampu ng mamamayan ng Republic Act 10083 o Aurora Pacific Economic Zone and Freeport Act of 2010 (APECO). Tinatayang 5,430 mga residente sa limang barangay sa Casiguran ang apektado na ng proyektong APECO.

Sa balak nitong pagsakop ng 12,923 ektaryang lupain at tabing dagat sa nasabing bayan, tinitingnang may dagdag na maapektuhang 22,403 na residente ng Casiguran o higit pa sa mga kalapit bayan nito. Karamihan sa kanila ay mga katutubo, mangingisda at magsasaka. Kabilang sa maapektuhan ay ang hindi bababa sa 7,272 na kababaihang magbubukid at 600 kababaihang mangingisda.

Pagsirit ng Presyo ng Langis; Pagsirit din ng Kahirapan sa Kababaihan

Oktubre 2011

Patuloy ang pagdausdos ng kabuhayan ng mga Pilipino lalo na ang mga kababaihan bunsod ng di mapigilang pagtaas ng presyo ng langis. Kasabay ng kawalan ng sapat na trabaho at sahod, lalo pang pasakit sa mga kababaihan ang pagtaas ng presyo ng bilihin na direktang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis.

Patuloy na pabigat sa Kababaihan: Demolisyon at kawalan ng serbisyong pabahay

Oktubre 2011

Bilang pangunahing tagapangasiwa sa pang araw araw na aktibidad ng pamilya, mahalagang usapin ang isyu ng pabahay para sa mga kababaihan. Gayunpaman, ang mahalagang usapin na ito ay hindi natutugunan ng pamahalaan, bagkus, lalo pang dumadausdos ang kalidad ng pamumuhay ng mga pamilya lalo na sa maralitang lungsod dahil sa sunod sunod na demolisyon at ebiksyon.

LPG: mas lalong di na abot-kaya ng mga Nanay

Oktubre 2011

Noong 2001, ang LPG (liqueified petroleum gas) ay isa sa pangunahin at karaniwang gamit ng mga nanay kahit ang mga nasa maralitang taga-lungsod. Pero noon yun. Pagkalipas ng sampung taon, di na abot-kaya ng mga nanay ang LPG. Hindi mapigilan ang pagtaas ng presyo ng LPG. Mula 2001 hanggang 2011, tumaas sa average na 188% ang presyo ng isang 11kg LPG cylinder. Ang mabilis na pagtaas nito ay tuwirang nakakaapekto sa mga kababaihan lalo na sa mga nanay na gumagamit nito sa kanilang pagluluto.

Isyung Karapatang Pantao: May Pagbabago ba sa panahon ni Aquino?

Naibalita ang pagsampa ng kaso ng mga nanay ng dalawang nawawalang estudyante ng UP na sina Karen Empeño at Sherlyn Cadapan laban kay retired General Jovito Palparan, ang tinaguriang “berdugo” ng dating administrasyong Arroyo. Ang tanong: May pag-asa bang makamtan ng mga kamag-anak ang katarungan sa panahon ni Aquino?

Kung pagbabatayan ang pinakahuling desisyon ng Commission on Human Rights sa kaso ng dinukot na si Melissa Roxas at ang rekord ng administrasyong Aquino sa 11 buwan nitong pamamalakad, malabong makakamtan ng mga nanay ni Karen at Sherlyn ang kanilang hinihiling na hustisya.

BAGYO SA PASUKAN: Daluyong ng Mataas na Presyo at Gastusin

Pasukan na naman. Nababahala ang mga nanay hindi lamang dahil sa madalas ang bagyo’t ulan kundi dahil mas matindi ang daluyong nga pagtaas ng presyo’t gastusin ng kanilang mga anak.

Ayon sa pakikipanayam ng CWR kay Nanay Alma, may anim na na anak, aabot sa halos Php 8,000 ang ginastos niya para sa anim na anak na papasok sa eskwela ngayong Hunyo. Hindi pa kasama dito ang pamasahe at baon ng kanyang mga anak.

Kababaihan at ang Lumalalang Krisis sa Kawalan ng Trabaho

Lalong lumala ang krisis sa kawalan at kakulangan ng trabaho sa bansa. Sa tala ng National Statistics Coordinating Board (NSCB) noong Oktubre 2009, may humigit kumulang sa 38.2 milyong Pilipino ang nasa lakas paggawa. Sa bilang na ito, 7.1% o halos 2.7 milyong Pilipino ang walang trabaho, mas mataas kaysa sa 6.8% unemployment rate noong Oktubre 2008. Ibig sabihin, sa loob lamang ng isang taon, mayroong 366,200 ang nadagdag sa papataas na bilang ng mga Pilipinong walang trabaho.